Garantisado ng Konstitusyon ng Pilipinas ang kalayaan ng mga mamamayan sa pagpapahayag, pag-iisip, at pakikilahok. Ang mga karapatang ito ay sinisiguro rin sa pamamagitan ng pagtanggap ng bansa sa International Covenant on Civil and Political Rights, na naglalayong protektahan ang mga karapatang sibil at pulitikal, kabilang ang kalayaan sa pagpapahayag at impormasyon.
Maaari nating ipahayag ang ating mga ideya at opinyon sa pamamagitan ng pagsasalita, pagsusulat, o sa pamamagitan ng sining, atbp. Gayunpaman, pinipigilan natin ang karapatang ito kapag hindi natin sinusuportahan ang patuloy na paggamit at pag-unlad ng mga katutubong wika.
Binigyang-diin ng United Nations Expert Mechanism on the Rights of Indigenous Peoples na: “Ang kakayahang makipagtalastasan sa sariling wika ay mahalaga sa dignidad ng tao at kalayaan sa pagpapahayag.”
Kung walang kakayahang ipahayag ang sarili, o kapag ang paggamit ng sariling wika ay nagiging limitado, ang karapatang igiit ang pinakapangunahing na mga karapatan ng isang indibidwal—tulad ng pagkain, tubig, tirahan, malusog na kapaligiran, edukasyon, trabaho—ay nasusupil din.
Para sa ating mga katutubong mamamayan, mas lalong mahalaga ito sapagkat naapektuhan din nito ang iba pang mga karapatang kanilang ipinaglalaban, tulad ng kalayaan mula sa diskriminasyon, karapatan sa pantay na oportunidad at pagtrato, karapatan sa sariling pagpapasya, atbp.
Kaugnay nito, idineklara ng UN General Assembly ang 2022-2032 bilang International Decade of Indigenous Languages (IDIL). Ang layunin nito ay “huwag iwan ang sinuman at huwag isantabi ang sinuman” at nakahanay ito sa 2030 Agenda for Sustainable Development.
Sa paglalahad ng Global Action Plan ng IDIL, binigyang-diin ng UNESCO na, “Ang karapatan sa malaya at walang sagabal na pagpili ng paggamit ng wika, pagpapahayag, at opinyon pati na rin ang sariling pagpapasya at aktibong pakikilahok sa pampublikong buhay nang walang takot sa diskriminasyon ay isang kinakailangan para sa pagiging inklusibo at pantay na mga kondisyon para sa paglikha ng bukas at nakikilahok na mga lipunan.”
Layunin ng Global Action Plan na palawakin ang nagagamit na saklaw ng paggamit ng mga katutubong wika sa lipunan. Iminumungkahi nito ang sampung magkakaugnay na temang makatutulong sa pagpapanatili, pagpapasigla, at pagtataguyod ng mga katutubong wika: (1) kalidad ng edukasyon at panghabambuhay na pagkatuto; (2) paggamit ng katutubong wika at kaalaman upang pawiin ang gutom; (3) pagtatatag ng mga kanais-nais na kondisyon para sa digital na pagpapalakas at karapatan sa pagpapahayag; (4) angkop na mga balangkas ng katutubong wika na idinisenyo upang magbigay ng mas magandang serbisyo sa kalusugan; (5) access sa katarungan at pagkakaroon ng pampublikong serbisyo; (6) pagpapanatili ng mga katutubong wika bilang sasakyan ng buhay na pamana at kultura; (7) konserbasyon ng biodiversity; (8) paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng mas pinahusay na disenteng trabaho; (9) pagkakapantay-pantay ng kasarian at pagpapalakas ng kababaihan; at, (10) pangmatagalang pakikipagtulungan ng publiko-pribadong sektor para sa pagpapanatili ng mga katutubong wika.
Ang pangunahing ideya ay ang pagsasama at mainstreaming ng mga katutubong wika sa lahat ng sosyo-kultural, ekonomiko, pangkapaligiran, legal, at pampolitikang mga larangan at mga estratehikong agenda. Sa paggawa nito, sinusuportahan natin ang pagtaas ng kahusayan sa wika, sigla, at paglago ng mga bagong gumagamit ng wika.
Sa huli, dapat nating pagsikapang na lumikha ng mga ligtas na kapaligiran kung saan ang mga katutubong mamamayan ay makapagpapahayag gamit ang wika na kanilang pinili, nang walang takot na husgahan, madiskrimina, o hindi maunawaan. Dapat nating yakapin ang mga katutubong wika bilang mahalaga sa holistiko at inklusibong pag-unlad ng ating mga lipunan.