Ang ating bansang kapuluan ay sagana sa kultura na kasing-dami ng ating mga isla. Tahanan ito ng maraming katutubong komunidad na may kani-kanilang sariling wika.
Sa katunayan, ayon sa Ethnologue, may 175 buhay na katutubong wika sa Pilipinas, na ikinakategorya batay sa kanilang antas ng sigla. Sa 175 na wikang buhay pa, 20 ang itinuturing na “institusyonal,” o ginagamit at pinananatili ng mga institusyon sa labas ng tahanan at komunidad; ang 100 na tinuturing na “matatag o mabuti ang kalagayan” ay hindi pinananatili ng mga pormal na institusyon ngunit nananatiling ginagamit sa tahanan at komunidad na patuloy na natututuhan at ginagamit ng mga bata; samantalang 55 ay itinuturing na "nanganganib," o hindi na natututuhan at ginagamit ng mga bata.
May dalawang wika na tinuturing na “extinct” o wala nang gumagamit. Nangangahulugang hindi na nila ito ginagamit at walang sinuman ang may natitirang pakiramdam ng pagkakakilanlang etnikong kaugnay ng mga wikang ito. Nag-aalala ako kung ano na ang nangyari sa kultura at tradisyunal na kaalamang kaugnay ng mga wikang iyon. Maaari lamang tayong umasang naisadokumento nang sapat ang mga ito, kahit na maging bahagi lamang ng ating mga aklat ng kasaysayan at kultura.
Kung mabibigo tayong mapanatili at itaguyod ang 55 nanganganib na wika sa ating bansa, hindi magtatagal at mawawala na rin ang mga ito.
May mga pandaigdigang kasunduang kaugnay sa mga karapatan ng katutubong wika na tinanggap ng Pilipinas sa loob ng mga dekada. Maaari nitong suportahan ang mga programang makapagbibigay ng bagong sigla sa mga wikang nanganganib na. Isa sa mga ito ay ang Convention against Discrimination in Education (CDE), na tinanggap ng bansa noong 1964.
Ang CDE ang kauna-unahang legal na pandaigdigang instrumentong kumilala sa edukasyon bilang isang karapatang pantao. May probisyon itong kinikilala ang mga karapatan ng mga pambansang minorya, tulad ng mga katutubong grupo, na magkaroon ng kanilang sariling mga gawaing pang-edukasyon, kasama ang paggamit o pagtuturo ng kanilang sariling wika.
Isa pang kasunduang tinanggap ng Pilipinas noong 1986 ay ang International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), na nagsusulong ng proteksyon sa mga karapatang sibil at politikal kasama ang kalayaan mula sa diskriminasyon. Isang tiyak na probisyon nito ay nagsusulong ng mga karapatan ng mga etniko, relihiyon o minoryang pangwika “na tamasahin ang kanilang sariling kultura, magsagawa at magpraktis ng kanilang sariling relihiyon, o gamitin ang kanilang sariling wika.”
Ang Pilipinas ay lumagda rin sa Convention for the Safeguarding of the Intangible Cultural Heritage (CSICH) noong 2006, ang United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP) noong 2007, at ang United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities (UNCRPD) noong 2008.
Layunin ng CSICH na pangalagaan ang intangible cultural heritage (ICH) sa pamamagitan ng pagpapataas ng kamalayan sa lokal, pambansa, at pandaigdigang larangan, pagtataguyod ng respeto sa mga gawain ng mga komunidad, at pagbibigay ng kooperasyon at tulong sa pandaigdigang antas. Nakasaad sa Convention na ang di-masasalang pamanang kultura ay naipakikita sa pamamagitan ng, bukod sa iba pa, mga oral na tradisyon at pagpapahayag, kasama ang wika bilang daluyan ng ICH.
Samantalang, ang UNDRIP ay isang mahalagang kasunduang naging instrumento sa pagtatanggol ng mga karapatan ng mga katutubong tao “na mabuhay ng may dignidad, mapanatili at palakasin ang kanilang sariling mga institusyon, kultura at tradisyon at ituloy ang kanilang sariling tinukoy na pag-unlad, alinsunod sa kanilang sariling mga pangangailangan at aspirasyon.”
Sa huli, ang UNCRPD ay nagkukumpirmang lahat ng taong may lahat ng uri ng kapansanan ay dapat magtamasa ng lahat ng karapatang pantao at pangunahing kalayaan, kasama ang kalayaan sa pagpapahayag at opinyon, na dapat suportahan ng mga estado sa pamamagitan ng mga inklusibong hakbang, tulad ng pagtanggap at pagpapadali ng paggamit ng mga wikang senyas, at iba pa.
Kasama dito, isa sa 175 buhay na katutubong wika sa Pilipinas ay ang Filipino Sign Language (FSL), na ginagamit bilang pangunahing wika ng mga bingi sa lahat ng edad.
Bagaman kapuri-puring tinanggap natin ang mga kasunduang ito, kailangan ding bigyang-diin na ang pagtanggap sa mga pandaigdigang kasunduang ito ay simula pa lamang. Pantay na mahalaga ang paggalang sa ating mga pangako. Dapat tayong maging mas proaktibo sa paggamit ng mga kasunduang ito upang palakasin ang ating mga programa at polisiya patungo sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng lahat ng buhay na wika sa Pilipinas, lalo na ang mga nanganganib. Dapat din nating tingnan at makilahok sa iba pang pandaigdigang kasunduan na maaaring maging mahalaga sa ating laban para sa pag-iingat ng ating mga wika.